Genesis 2
Genesis 2, Ang Biblia (1905): ang buong kabanata, 25 talata, walang ads at walang rehistro.
Buong Genesis 2
Ang Biblia (1905), 25 talata. Pindutin ang numero upang dumiretso sa talata.
- Gen 2:1
At nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat na natatanaw sa mga iyon.
- Gen 2:2
At nang ikapitong araw ay nayari ng Dios ang kaniyang gawang ginawa; at nagpahinga ng ikapitong araw sa madlang gawa niyang ginawa.
- Gen 2:3
At binasbasan ng Dios ang ikapitong araw at kaniyang ipinangilin, sapagka’t siyang ipinagpahinga ng Dios sa madlang gawang kaniyang nilikha at ginawa.
- Gen 2:4
Ito ang pinangyarihan ng langit at ng lupa, nang likhain noong araw, na gawin ng Panginoong Dios ang lupa’t langit.
- Gen 2:5
At wala pa sa lupang kahoy sa parang, at wala pang anomang pananim na tumutubo sa parang: (sapagka’t hindi pa pinauulanan ng Panginoong Dios ang lupa) at wala pang taong magbukid ng lupa,
- Gen 2:6
Nguni’t may isang ulap na napaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong ibabaw ng lupa.
- Gen 2:7
At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.
- Gen 2:8
At naglagay ang Panginoong Dios ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silanganan: at inilagay niya roon ang taong kaniyang nilalang.
- Gen 2:9
At pinatubo ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat na punong kahoy na nakalulugod sa paningin, at mabubuting kanin; gayon din ang punong kahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punong kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.
- Gen 2:10
At may isang ilog na lumabas sa Eden na dumilig sa halamanan; at mula roo’y nabahagi at nagapat na sanga.
- Gen 2:11
Ang pangalan ng una ay Pison: na siyang lumiligid sa buong lupain ng Havilah, na doo’y may ginto;
- Gen 2:12
At ang ginto sa lupang yao’y mabuti; mayroon din naman doong bedelio at batong onix.
- Gen 2:13
At ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang lumiligid sa buong lupain ng Cush.
- Gen 2:14
At ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hiddecel, na siyang umaagos sa tapat ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
- Gen 2:15
At kinuha ng Panginoong Dios ang lalake at inilagay sa halamanan ng Eden, upang kaniyang alagaan at ingatan.
- Gen 2:16
At iniutos ng Panginoong Dios sa lalake, na sinabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan:
- Gen 2:17
Datapuwa’t sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.
- Gen 2:18
At sinabi ng Panginoong Dios, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya’y ilalalang ko ng isang katulong niya.
- Gen 2:19
At nilalang ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at pinagdadala sa lalake upang maalaman kung anong itatawag niya sa mga iyon: at ang bawa’t itinawag ng lalake sa bawa’t kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon.
- Gen 2:20
At pinanganlan ng lalake ang lahat ng mga hayop, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawa’t ganid sa parang; datapuwa’t sa lalake ay walang nasumpungang maging katulong niya.
- Gen 2:21
At hinulugan ng Panginoong Dios ng di kawasang himbing ang lalake, at siya’y natulog: at kinuha ang isa sa kaniyang mga tadyang at pinapaghilom ang laman sa dakong yaon:
- Gen 2:22
At ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalake ay ginawang isang babae, at ito’y dinala niya sa lalake.
- Gen 2:23
At sinabi ng lalake, Ito nga’y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya’y tatawaging Babae, sapagka’t sa Lalake siya kinuha.
- Gen 2:24
Kaya’t iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila’y magiging isang laman.
- Gen 2:25
At sila’y kapuwa hubad, ang lalake at ang kaniyang asawa, at sila’y hindi nagkakahiyaan.
Genesis: ang 50 kabanata
Bawat kabanata ay may sariling pahina, na may buong teksto.
Ipagpatuloy ang pagbabasa
Ang Genesis 2 ay isa sa 50 kabanata ng Genesis, ang aklat 1 sa 66 ng Ang Biblia (1905). Maaari mong basahin nang sunud-sunod, kabanata bawat kabanata, o maghanap ng mga salita sa 66 aklat.