Hosea 10
Hosea 10, Ang Biblia (1905): ang buong kabanata, 15 talata, walang ads at walang rehistro.
Buong Hosea 10
Ang Biblia (1905), 15 talata. Pindutin ang numero upang dumiretso sa talata.
- Hos 10:1
Ang Israel ay isang mayabong na baging, na nagbunga: ayon sa karamihan ng kaniyang bunga kaniyang pinarami ang kaniyang mga dambana; ayon sa kabutihan ng kaniyang lupain ay nagsigawa sila ng mga mainam na haligi.
- Hos 10:2
Ang kanilang puso ay nahati; ngayo’y mangasusumpungan silang salarin: kaniyang ibabagsak ang kanilang mga dambana, kaniyang sasamsamin ang kanilang mga haligi.
- Hos 10:3
Walang pagsalang ngayo’y kanilang sasabihin, Kami ay walang hari; sapagka’t kami ay hindi nangatatakot sa Panginoon; at ang hari, ano ang magagawa niya para sa atin?
- Hos 10:4
Sila’y nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita, na nagsisisumpa ng di totoo sa paggawa ng mga tipan: kaya’t ang kahatulan ay lumilitaw na parang ajenjo sa mga bungkal sa parang.
- Hos 10:5
Ang mga nananahan sa Samaria ay malalagay sa pangingilabot dahil sa mga guya ng Beth-aven; sapagka’t ang bayan niyaon ay mananangis doon, at ang mga saserdote niyaon na nangagagalak doon, dahil sa kaluwalhatian niyaon, sapagka’t nawala roon.
- Hos 10:6
Dadalhin din naman sa Asiria na pinakakaloob sa haring Jareb: ang Ephraim ay tatanggap ng kahihiyan, at ang Israel ay mapapahiya sa kaniyang sariling payo.
- Hos 10:7
Tungkol sa Samaria, ang kaniyang hari ay nahiwalay, na parang bula sa tubig.
- Hos 10:8
Ang mataas na dako naman ng Aven, ang kasalanan ng Israel ay masisira: ang mga tinik at ang mga dawag ay sisibol sa kanilang mga dambana; at sasabihin nila sa mga bundok, Takpan ninyo kami; at sa mga burol, Mahulog kayo sa amin.
- Hos 10:9
Oh Israel, ikaw ay nagkasala mula sa mga kaarawan ng Gabaa: doon sila nagsitayo; ang pagbabaka laban sa mga anak ng kasamaan ay hindi aabot sa kanila sa Gabaa.
- Hos 10:10
Pagka siya kong nasa, ay aking parurusahan sila; at ang mga bayan ay magpipisan laban sa kanila, pagka sila’y nagapos sa kanilang dalawang pagsalangsang.
- Hos 10:11
At ang Ephraim ay isang dumalagang baka na tinuturuan, na maibigin sa pagiik ng trigo; nguni’t aking pinararaan ang pamatok sa kaniyang magandang leeg: ako’y maglalagay ng isang mananakay sa Ephraim; magaararo ang Juda, dudurugin ng Jacob ang kaniyang mga bugal.
- Hos 10:12
Mangaghasik kayo sa inyong sarili sa katuwiran, magsigapas kayo ayon sa kaawaan; bungkalin ninyo ang inyong pinabayaang bukiran; sapagka’t panahon na hanapin ang Panginoon, hanggang sa siya’y dumating, at magdala ng katuwiran sa inyo.
- Hos 10:13
Kayo’y nangaghasik ng kasamaan, kayo’y nagsiani ng kasalanan; kayo’y nagsikain ng bunga ng kabulaanan; sapagka’t ikaw ay tumiwala sa iyong lakad, sa karamihan ng iyong makapangyarihang lalake.
- Hos 10:14
Kaya’t babangon ang isang kagulo sa iyong mga bayan, at lahat ng iyong mga katibayan ay magigiba, na gaya ni Salman na gumiba sa Beth-arbel sa kaarawan ng pagbabaka: ang ina ay pinaglurayluray na kasama ng kaniyang mga anak.
- Hos 10:15
Gayon ang gagawin ng Beth-el sa inyo dahil sa inyong malaking kasamaan: sa pagbubukang liwayway, ang hari ng Israel ay lubos na mahihiwalay.
Hosea: ang 14 kabanata
Bawat kabanata ay may sariling pahina, na may buong teksto.
Ipagpatuloy ang pagbabasa
Ang Hosea 10 ay isa sa 14 kabanata ng Hosea, ang aklat 28 sa 66 ng Ang Biblia (1905). Maaari mong basahin nang sunud-sunod, kabanata bawat kabanata, o maghanap ng mga salita sa 66 aklat.