Simula · 66 aklat · Isaias

Lumang Tipan · Mga Dakilang Propeta · kabanata 65 sa 66

Isaias 65

Isaias 65, Ang Biblia (1905): ang buong kabanata, 25 talata, walang ads at walang rehistro.

25talata
65 / 66kabanata
Isa 65sanggunian
LTLumang Tipan

Buong Isaias 65

Ang Biblia (1905), 25 talata. Pindutin ang numero upang dumiretso sa talata.

  1. Isa 65:1

    Ako’y napagsasangunian ng mga hindi nagsipagtanong tungkol sa akin; ako’y nasusumpungan nila na hindi nagsihanap sa akin: aking sinabi, Narito ako, narito ako, sa bansa na hindi tinawag sa aking pangalan.

  2. Isa 65:2

    Aking iniunat ang aking mga kamay buong araw sa mapanghimagsik na bayan, na lumalakad sa daang hindi mabuti, ayon sa kanilang sariling mga pagiisip;

  3. Isa 65:3

    Bayan na minumungkahi akong palagi ng mukhaan, na naghahain sa mga halamanan, at nagsusunog ng kamangyan sa ibabaw ng mga laryo;

  4. Isa 65:4

    Na nauupo sa gitna ng mga libingan, at tumitigil sa mga lihim na dako; na kumakain ng laman ng baboy, at ang sabaw ng mga kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan;

  5. Isa 65:5

    Na nagsasabi, Humiwalay ka, huwag kang lumapit sa akin, sapagka’t ako’y lalong banal kay sa iyo. Ang mga ito ay usok sa aking ilong, apoy na nagliliyab buong araw.

  6. Isa 65:6

    Narito, nasulat sa harap ko: hindi ako tatahimik, kundi ako’y gaganti, oo, ako’y gaganti sa kanilang sinapupunan,

  7. Isa 65:7

    Ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga kasamaan ng inyong mga magulang na magkakasama, sabi ng Panginoon, na mangagsunog ng kamangyan sa mga bundok, at nagsitungayaw sa akin sa mga burol: ay susukatan ko nga ng kanilang unang gawa sa kaniyang sinapupunan.

  8. Isa 65:8

    Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung paanong nasusumpungan ang bagong alak sa kumpol, at may nagsasabi, Huwag mong sirain, sapagka’t iyan ay mapapakinabangan: gayon ang gagawin ko sa ikagagaling ng aking mga lingkod, upang huwag kong malipol silang lahat.

  9. Isa 65:9

    At ako’y maglalabas ng lahi na mula sa Jacob, at mula sa Juda ng isang tagapagmana ng aking mga bundok; at mamanahin ng aking pinili, at tatahanan ng aking mga lingkod.

  10. Isa 65:10

    At ang Saron ay magiging kulungan ng mga kawan, at ang libis ng Achor ay dakong higaan ng mga bakahan, dahil sa aking bayan na humanap sa akin.

  11. Isa 65:11

    Nguni’t kayo, na nangagpapabaya sa Panginoon, na nagsisilimot ng aking banal na bundok, na nangaghahanda ng dulang para sa Kapalaran, at pinupuno ang saro ng alak na haluan para sa Kaukulan;

  12. Isa 65:12

    Aking iuukol kayo sa tabak, at kayong lahat ay magsisiyuko sa patayan; sapagka’t nang ako’y tumawag, kayo’y hindi nagsisagot; nang ako’y magsalita, kayo’y hindi nangakinig; kundi inyong ginawa ang masama sa harap ng aking mga mata, at inyong pinili ang di ko kinaluluguran.

  13. Isa 65:13

    Kaya’t ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking mga lingkod ay magsisikain, nguni’t kayo’y mangagugutom; narito, ang aking mga lingkod ay magsisiinom, nguni’t kayo’y mangauuhaw; narito, mangagagalak ang aking mga lingkod, nguni’t kayo’y mangapapahiya;

  14. Isa 65:14

    Narito, ang aking mga lingkod ay magsisiawit dahil sa kagalakan ng puso, nguni’t kayo’y magsisidaing dahil sa kapanglawan ng puso, at aangal dahil sa pagkabagbag ng loob.

  15. Isa 65:15

    At inyong iiwan ang inyong pangalan na pinakasumpa sa aking mga pinili, at papatayin ka ng Panginoong Dios; at kaniyang tatawagin ang kaniyang mga lingkod ng ibang pangalan:

  16. Isa 65:16

    Na anopa’t siyang nagpapala sa lupa ay magpapala sa Dios ng katotohanan; at siyang sumusumpa sa lupa ay susumpa sa pangalan ng Dios ng katotohanan; sapagka’t ang mga dating kabagabagan ay nalimutan, at sapagka’t nangakubli sa aking mga mata.

  17. Isa 65:17

    Sapagka’t narito, ako’y lumilikha ng mga bagong langit, at ng bagong lupa, at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa isip man.

  18. Isa 65:18

    Nguni’t kayo’y mangatuwa at mangagalak magpakailan man sa aking nilikha; sapagka’t, narito, aking nililikha na kagalakan ang Jerusalem, at kaligayahan ang kaniyang bayan.

  19. Isa 65:19

    At ako’y magagalak sa Jerusalem, at maliligaya sa aking bayan; at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kaniya, o ang tinig man ng daing.

  20. Isa 65:20

    Hindi na magkakaroon mula ngayon ng sanggol na mamamatay, o ng matanda man na hindi nalubos ang kaniyang mga kaarawan; sapagka’t ang bata ay mamamatay na may isang daang taong gulang, at ang makasalanan na may isang daang taon ang gulang ay susumpain.

  21. Isa 65:21

    At sila’y mangagtatayo ng mga bahay, at ang mga yao’y kanilang tatahanan; at sila’y mangaguubasan, at magsisikain ng bunga niyaon.

  22. Isa 65:22

    Sila’y hindi magtatayo, at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim, at iba ang kakain; sapagka’t kung paano ang mga kaarawan ng punong kahoy, ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan, at ang aking mga pinili ay mangagagalak na malaon sa gawa ng kanilang mga kamay.

  23. Isa 65:23

    Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan, sapagka’t sila ang lahi ng mga pinagpala ng Panginoon, at ang kanilang mga anak na kasama nila.

  24. Isa 65:24

    At mangyayari, na bago sila magsitawag, sasagot ako; at samantalang sila’y nangagsasalita, aking didinggin.

  25. Isa 65:25

    Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka; at alabok ang magiging pagkain ng ahas. Sila’y hindi mananakit o magpapahamak man sa aking buong banal na bundok, sabi ng Panginoon.

Isaias: ang 66 kabanata

Bawat kabanata ay may sariling pahina, na may buong teksto.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Ang Isaias 65 ay isa sa 66 kabanata ng Isaias, ang aklat 23 sa 66 ng Ang Biblia (1905). Maaari mong basahin nang sunud-sunod, kabanata bawat kabanata, o maghanap ng mga salita sa 66 aklat.