Simula · 66 aklat · Mateo

Bagong Tipan · Mga Ebanghelyo at Mga Gawa · kabanata 25 sa 28

Mateo 25

Mateo 25, Ang Biblia (1905): ang buong kabanata, 46 talata, walang ads at walang rehistro.

46talata
25 / 28kabanata
Mat 25sanggunian
BTBagong Tipan

Buong Mateo 25

Ang Biblia (1905), 46 talata. Pindutin ang numero upang dumiretso sa talata.

  1. Mat 25:1

    Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sangpung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang lalake.

  2. Mat 25:2

    At ang lima sa kanila’y mga mangmang, at ang lima’y matatalino.

  3. Mat 25:3

    Sapagka’t nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nangagdala ng langis:

  4. Mat 25:4

    Datapuwa’t ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan.

  5. Mat 25:5

    Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake, ay nangagantok silang lahat at nangakatulog.

  6. Mat 25:6

    Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya.

  7. Mat 25:7

    Nang magkagayo’y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinagigi ang kanilang mga ilawan.

  8. Mat 25:8

    At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagka’t nangamamatay ang aming mga ilawan.

  9. Mat 25:9

    Datapuwa’t nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at magsibili kayo ng ganang inyo.

  10. Mat 25:10

    At samantalang sila’y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan.

  11. Mat 25:11

    Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami.

  12. Mat 25:12

    Datapuwa’t sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala.

  13. Mat 25:13

    Mangagpuyat nga kayo, sapagka’t hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.

  14. Mat 25:14

    Sapagka’t tulad sa isang tao, na nang paroroon sa ibang lupain, ay tinawag ang kaniyang sariling mga alipin, at ipinamahala sa kanila ang kaniyang mga pag-aari.

  15. Mat 25:15

    At ang isa’y binigyan niya ng limang talento, ang isa’y dalawa, at ang isa’y isa; sa bawa’t isa’y ayon sa kanikaniyang kaya; at siya’y yumaon sa kaniyang paglalakbay.

  16. Mat 25:16

    Ang tumanggap ng limang talento pagdaka’y yumaon at ipinangalakal niya ang mga yaon, at siya’y nakinabang ng lima pang talento.

  17. Mat 25:17

    Sa gayon ding paraan ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang ng ibang dalawa pa.

  18. Mat 25:18

    Datapuwa’t ang tumanggap ng isa ay yumaon at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kaniyang panginoon.

  19. Mat 25:19

    Pagkatapos nga ng mahabang panahon, ay dumating ang panginoon ng mga aliping yaon, at nakipaghusay sa kanila.

  20. Mat 25:20

    At ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento: narito, ako’y nakinabang ng lima pang talento.

  21. Mat 25:21

    Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

  22. Mat 25:22

    At lumapit naman ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi, Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento: narito, ako’y nakinabang ng dalawa pang talento.

  23. Mat 25:23

    Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.

  24. Mat 25:24

    At lumapit naman ang tumanggap ng isang talento at sinabi, Panginoon, nakikilala kita na ikaw ay taong mapagmatigas, na gumagapas ka doon sa hindi mo hinasikan, at nagaani ka doon sa hindi mo sinabugan;

  25. Mat 25:25

    At ako’y natakot, at ako’y yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo: narito, nasa iyo ang iyong sarili.

  26. Mat 25:26

    Datapuwa’t sumagot ang kaniyang panginoon at sinabi sa kaniya, Ikaw na aliping masama at tamad, nalalaman mong ako’y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at nagaani doon sa hindi ko sinabugan;

  27. Mat 25:27

    Gayon pala’y ibinigay mo sana ang aking salapi sa nagsisipangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay tinanggap ko sana ang ganang akin pati ng pakinabang.

  28. Mat 25:28

    Alisin nga ninyo sa kaniya ang talento, at ibigay ninyo sa may sangpung talento.

  29. Mat 25:29

    Sapagka’t ang bawa’t mayroon ay bibigyan, at siya’y magkakaroon ng sagana: nguni’t ang wala, pati pa nang nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.

  30. Mat 25:30

    At ang aliping walang kabuluhan ay inyong itapon sa kadiliman sa labas: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

  31. Mat 25:31

    Datapuwa’t pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian:

  32. Mat 25:32

    At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila’y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing;

  33. Mat 25:33

    At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa’t sa kaliwa ang mga kambing.

  34. Mat 25:34

    Kung magkagayo’y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan:

  35. Mat 25:35

    Sapagka’t ako’y nagutom, at ako’y inyong pinakain; ako’y nauhaw, at ako’y inyong pinainom; ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;

  36. Mat 25:36

    Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; ako’y nagkasakit, at inyo akong dinalaw; ako’y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.

  37. Mat 25:37

    Kung magkagayo’y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?

  38. Mat 25:38

    At kailan ka naming nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka?

  39. Mat 25:39

    At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?

  40. Mat 25:40

    At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.

  41. Mat 25:41

    Kung magkagayo’y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel:

  42. Mat 25:42

    Sapagka’t ako’y nagutom, at hindi ninyo ako pinakain; ako’y nauhaw, at hindi ninyo ako pinainom;

  43. Mat 25:43

    Ako’y naging isang taga ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy; hubad, at hindi ninyo ako pinaramtan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ako dinalaw.

  44. Mat 25:44

    Kung magkagayo’y sila nama’y magsisisagot, na magsisipagsabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom, o nauuhaw, o isang taga ibang bayan, o hubad, o may-sakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?

  45. Mat 25:45

    Kung magkagayo’y sila’y sasagutin niya, na sasabihin, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na yamang hindi ninyo ginawa sa maliliit na ito, ay hindi ninyo ginawa sa akin.

  46. Mat 25:46

    At ang mga ito’y mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan: datapuwa’t ang mga matuwid ay sa walang hanggang buhay.

Mateo: ang 28 kabanata

Bawat kabanata ay may sariling pahina, na may buong teksto.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Ang Mateo 25 ay isa sa 28 kabanata ng Mateo, ang aklat 40 sa 66 ng Ang Biblia (1905). Maaari mong basahin nang sunud-sunod, kabanata bawat kabanata, o maghanap ng mga salita sa 66 aklat.