Simula · 66 aklat · Mga Bilang

Lumang Tipan · Pentateuko · kabanata 20 sa 36

Mga Bilang 20

Mga Bilang 20, Ang Biblia (1905): ang buong kabanata, 29 talata, walang ads at walang rehistro.

29talata
20 / 36kabanata
Bil 20sanggunian
LTLumang Tipan

Buong Mga Bilang 20

Ang Biblia (1905), 29 talata. Pindutin ang numero upang dumiretso sa talata.

  1. Bil 20:1

    At ang mga anak ni Israel, sa makatuwid baga’y ang buong kapisanan ay nagsipasok sa ilang ng Zin nang unang buwan: at ang bayan ay tumahan sa Cades; at si Miriam ay namatay doon, at inilibing doon.

  2. Bil 20:2

    At walang tubig na mainom ang kapisanan; at sila’y nagpulong laban kay Moises at laban kay Aaron.

  3. Bil 20:3

    At sinisi ng bayan si Moises, at nagsipagsalita, na sinasabi, Ibigin sana na kami ay nangamatay, nang mamatay ang aming mga kapatid sa harap ng Panginoon!

  4. Bil 20:4

    At bakit ninyo dinala ang kapulungan ng Panginoon sa ilang na ito, upang mamatay rito, kami at ang aming mga hayop?

  5. Bil 20:5

    At bakit ninyo kami pinasampa mula sa Egipto, upang dalhin kami sa masamang dakong ito? hindi dakong bukirin, o ng igos; o ng ubasan, o ng mga granada; at wala kahit tubig na mainom.

  6. Bil 20:6

    At si Moises at si Aaron ay umalis sa harap ng kapulungan at napasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at nangagpatirapa: at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa kanila.

  7. Bil 20:7

    At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

  8. Bil 20:8

    Hawakan mo ang tungkod, at pisanin mo ang kapisanan, pisanin mo at ni Aaron na iyong kapatid, at magsalita kayo sa bato sa harap ng kanilang mga mata, na ibibigay niyaon ang kaniyang tubig; at ikukuha mo sila ng tubig sa bato: sa ganito paiinumin mo ang kapisanan at ang kanilang mga hayop.

  9. Bil 20:9

    At kinuha ni Moises ang tungkod sa harap ng Panginoon, na gaya ng iniutos sa kaniya.

  10. Bil 20:10

    At pinisan ni Moises at ni Aaron ang kapulungan sa harap ng bato, at kaniyang sinabi sa kanila, Makinig kayo ngayon, mga mapanghimagsik, ikukuha ba namin kayo ng tubig sa batong ito?

  11. Bil 20:11

    At itinaas ni Moises ang kaniyang kamay, at pinalong makalawa ang bato ng kaniyang tungkod: at ang tubig ay lumabas na sagana, at ang kapisanan ay uminom at ang kanilang mga hayop.

  12. Bil 20:12

    At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Sapagka’t hindi kayo sumampalataya sa akin upang ipakilala ninyong banal ako sa mga mata ng mga anak ni Israel, kaya’t hindi ninyo dadalhin ang kapisanang ito sa lupain na aking ibinigay sa kanila.

  13. Bil 20:13

    Ito ang tubig ng Meriba; sapagka’t sinisi ng mga anak ni Israel ang Panginoon, at siya’y napakilalang banal sa kanila.

  14. Bil 20:14

    At si Moises ay nagutos ng mga sugo sa hari sa Edom mula sa Cades, na ipinasabi, Ganito, ang sabi ng iyong kapatid na Israelita, Talastas mo ang buong kahirapan na dumating sa amin:

  15. Bil 20:15

    Kung paanong ang aming mga magulang ay bumaba sa Egipto, at kami ay tumahan sa Egipto na malaong panahon, at inalipusta ng mga Egipcio kami at ang aming mga magulang:

  16. Bil 20:16

    At nang kami ay dumaing sa Panginoon ay dininig niya ang aming tinig, at nagsugo siya ng isang anghel, at inilabas kami sa Egipto: at, narito, kami ay nasa Cades, na isang bayan na nasa dulo ng iyong hangganan:

  17. Bil 20:17

    Isinasamo ko sa iyo, na paraanin mo kami, sa iyong lupain: hindi kami dadaan sa kabukiran o sa ubasan, ni di kami iinom ng tubig sa mga balon: kami ay manunuwid sa maluwang na lansangan, hindi kami liliko sa dakong kanan ni sa dakong kaliwa man hanggang sa maraanan namin ang iyong hangganan.

  18. Bil 20:18

    At sinabi ni Edom sa kaniya, Huwag kang magdadaan sa aking lupain, baka kita’y salubungin ng tabak.

  19. Bil 20:19

    At sinabi ng mga anak ni Israel sa kaniya, Kami ay aahon sa lansangan: at kung kami ay uminom ng iyong tubig, ako at ang aking mga hayop, ay pagbabayaran ko ang halaga: pahintulutan mo lamang ako na makaraan ng aking mga paa na walang anoman.

  20. Bil 20:20

    At kaniyang sinabi, Huwag kang magdadaan. At si Edom ay lumabas laban sa kaniya na may dalang maraming tao, at may malakas na kamay.

  21. Bil 20:21

    Ganito tumanggi si Edom na paraanin ang Israel sa kaniyang hangganan: kaya’t ang Israel ay lumayo sa kaniya.

  22. Bil 20:22

    At sila’y naglakbay mula sa Cades: at ang mga anak ni Israel, sa makatuwid baga’y ang buong kapisanan, ay napasa bundok ng Hor.

  23. Bil 20:23

    At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron sa bundok ng Hor, sa tabi ng hangganan ng lupain ng Edom, na sinasabi,

  24. Bil 20:24

    Si Aaron ay malalakip sa kaniyang bayan: sapagka’t siya’y hindi makapapasok sa lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel, sapagka’t kayo’y nagsipanghimagsik laban sa aking salita sa tubig ng Meriba.

  25. Bil 20:25

    Dalhin mo si Aaron at si Eleazar na kaniyang anak, at isampa mo sila sa bundok ng Hor.

  26. Bil 20:26

    At hubaran mo si Aaron ng kaniyang mga suot at isuot mo kay Eleazar na kaniyang anak: at si Aaron ay malalakip sa kaniyang bayan, at doon siya mamamatay.

  27. Bil 20:27

    At ginawa ni Moises gaya ng iniutos ng Panginoon: at sila’y sumampa sa bundok ng Hor sa paningin ng buong kapisanan.

  28. Bil 20:28

    At hinubaran ni Moises si Aaron, ng kaniyang mga suot, at isinuot kay Eleazar na kaniyang anak; at namatay si Aaron doon sa taluktok ng bundok: at si Moises at si Eleazar ay bumaba sa bundok.

  29. Bil 20:29

    At nang makita ng buong kapisanan na si Aaron ay namatay, ay kanilang tinangisan si Aaron na tatlong pung araw, sa makatuwid baga’y ng buong sangbahayan ni Israel.

Mga Bilang: ang 36 kabanata

Bawat kabanata ay may sariling pahina, na may buong teksto.

Ipagpatuloy ang pagbabasa

Ang Mga Bilang 20 ay isa sa 36 kabanata ng Mga Bilang, ang aklat 4 sa 66 ng Ang Biblia (1905). Maaari mong basahin nang sunud-sunod, kabanata bawat kabanata, o maghanap ng mga salita sa 66 aklat.