Zacarias 11
Zacarias 11, Ang Biblia (1905): ang buong kabanata, 17 talata, walang ads at walang rehistro.
Buong Zacarias 11
Ang Biblia (1905), 17 talata. Pindutin ang numero upang dumiretso sa talata.
- Zac 11:1
Ibukas mo ang iyong mga pinto, Oh Libano, upang supukin ng apoy ang iyong mga cedro.
- Zac 11:2
Manambitan ka, Oh puno ng abeto, sapagka’t ang cedro ay nabuwal, sapagka’t ang mga mabuti ay nabuwal; magsipanambitan kayo, Oh mga encina sa Basan, sapagka’t ang matibay na gubat ay nasira.
- Zac 11:3
Ang isang hugong ng panambitan ng mga pastor! sapagka’t ang kanilang kaluwalhatian ay nasira; ang isang hugong ng ungal ng mga batang leon! sapagka’t ang kapalaluan ng Jordan ay nasira.
- Zac 11:4
Ganito ang sabi ng Panginoon kong Dios, Pakanin mo ang kawan na papatayin;
- Zac 11:5
Na mga pinapatay ng mga mayari, at hindi mga inaaring maysala; at silang nangagbibili ng mga yaon ay nangagsasabi, Purihin ang Panginoon, sapagka’t akoy mayaman; at ang kanilang sariling mga pastor ay hindi nangaawa sa mga yaon.
- Zac 11:6
Sapagka’t hindi na ako maaawa sa nagsisitahan sa lupain, sabi ng Panginoon; kundi, narito, aking ibibigay ang bawa’t isa ng mga tao sa kamay ng kaniyang kapuwa, at sa kamay ng kaniyang hari; at kanilang ipapahamak ang lupain, at mula sa kanilang kamay ay di ko ililigtas sila.
- Zac 11:7
Sa gayo’y aking pinapanginain ang kawan na papatayin, katotohanang kaawaawang kawan. At nagdala ako ng dalawang tungkod; ang isa’y tinawag kong Maganda, at ang isa’y tinawag kong mga Panali; at aking pinapanginain ang kawan.
- Zac 11:8
At aking inihiwalay ang tatlong pastor sa isang buwan; sapagka’t ang aking kaluluwa ay nagsawa sa kanila, at sila’y nayamot sa akin.
- Zac 11:9
Nang magkagayo’y sinabi ko, Hindi ko na papanginginainin kayo: ang namamatay, ay mamatay; at ang nahihiwalay, ay mahiwalay; at ang mangaiwan ay mangagkainan ng laman ng isa’t isa.
- Zac 11:10
At hinawakan ko ang aking tungkod na Maganda, at aking binali, upang aking sirain ang aking tipan na aking ipinakipagtipan sa lahat ng mga bayan.
- Zac 11:11
At nasira nang araw na yaon; at ganito nakilala ng kaawaawa sa kawan na nagmamasid sa akin na yao’y salita ng Panginoon.
- Zac 11:12
At sinabi ko sa kanila; Kung inaakala ninyong mabuti, bigyan ninyo ako ng aking kaupahan; at kung hindi, inyong pabayaan. Sa gayo’y kanilang tinimbangan ang kaupahan ko ng tatlong pung putol na pilak.
- Zac 11:13
At sinabi ng Panginoon sa akin, Ihagis mo sa magpapalyok, ang mainam na halaga na aking inihalaga sa kanila. At aking kinuha ang tatlong pung putol na pilak, at inihagis ko sa magpapalyok sa bahay ng Panginoon.
- Zac 11:14
Nang magkagayo’y binali ko ang aking isang tungkod, sa makatuwid baga’y ang mga Panali, upang aking masira ang pagkakapatiran ng Juda at ng Israel.
- Zac 11:15
At sinabi sa akin ng Panginoon. Magdala ka pa uli ng mga kasangkapan ng isang mangmang na pastor.
- Zac 11:16
Sapagka’t, narito, ako’y magtitindig ng isang pastor sa lupain, na hindi dadalawin yaong nangahihiwalay, ni hahanapin man yaong nangaliligaw, ni pagagalingin man yaong mga pilay; ni papanginginainin man yaong mga magaling kundi kaniyang kakanin ang laman ng mataba at lulurayin ang kanilang mga kuko.
- Zac 11:17
Sa aba ng walang kabuluhang pastor na nagpapabaya ng kawan! ang tabak ay sasapit sa kaniyang kamay, at sa kaniyang kanang mata: ang kaniyang kamay ay matutuyong mainam, at ang kaniyang kanang mata ay lalabong lubos.
Zacarias: ang 14 kabanata
Bawat kabanata ay may sariling pahina, na may buong teksto.
Ipagpatuloy ang pagbabasa
Ang Zacarias 11 ay isa sa 14 kabanata ng Zacarias, ang aklat 38 sa 66 ng Ang Biblia (1905). Maaari mong basahin nang sunud-sunod, kabanata bawat kabanata, o maghanap ng mga salita sa 66 aklat.