Exodo 15
Exodo 15, Ang Biblia (1905): ang buong kabanata, 27 talata, walang ads at walang rehistro.
Buong Exodo 15
Ang Biblia (1905), 27 talata. Pindutin ang numero upang dumiretso sa talata.
- Exo 15:1
Nang magkagayo’y inawit ni Moises at ng mga anak ni Israel ang awit na ito sa Panginoon, at sinalita, na sinasabi, Ako’y aawit sa Panginoon, sapagka’t siya’y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati: Ang kabayo at ang sakay niyaon ay kaniyang ibinulusok sa dagat.
- Exo 15:2
Ang Panginoon ay aking lakas at awit, At siya’y naging aking kaligtasan: Ito’y aking Dios, at siya’y aking pupurihin. Dios ng aking ama, at siya’y aking tatanghalin.
- Exo 15:3
Ang Panginoo’y isang mangdidigma: Panginoon ang kaniyang pangalan.
- Exo 15:4
Ang mga karro ni Faraon at ang kaniyang hukbo ay ibinulusok niya sa dagat; At ang kaniyang mga piling kapitan ay ipinaglulubog sa Dagat na Mapula.
- Exo 15:5
Ang mga kalaliman ang tumatabon sa kanila: Sila’y lumubog sa mga kalaliman, na parang isang bato.
- Exo 15:6
Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay maluwalhati sa kapangyarihan. Ang iyong kanan, Oh Panginoon, ay dumudurog ng kaaway.
- Exo 15:7
At sa kalakhan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo yaong bumabangon laban sa iyo: Iyong ipinakikita ang iyong pagiinit, at nililipol silang parang dayami.
- Exo 15:8
At sa hihip ng iyong ilong ay natitipon ang tubig, Ang mga agos ay nagsilagay na parang isang bunton; Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat.
- Exo 15:9
Sinabi ng kaaway, Aking hahabulin, aking aabutan, magbabahagi ako ng samsam, Ang aking nasa ay masisiyahan sa kanila; Aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay.
- Exo 15:10
Ikaw ay nagpahihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng dagat. Sila’y lumubog na parang tingga sa makapangyarihang tubig.
- Exo 15:11
Sinong gaya mo, Oh Panginoon, sa mga dios? Sinong gaya mo, maluwalhati sa kabanalan, Nakasisindak sa pagpuri, na gumagawa ng mga kababalaghan?
- Exo 15:12
Iyong iniunat ang iyong kanang kamay, Nilamon sila ng lupa.
- Exo 15:13
Iyong pinapatnubayan sa iyong awa ang bayan na iyong tinubos: Sa iyong kalakasan ay iyong inihahatid sila sa banal mong tahanan.
- Exo 15:14
Narinig ng mga bayan; at sila’y nanginig: Mga sakit ang kumapit sa mga taga Filistia.
- Exo 15:15
Nang magkagayo’y natulig ang mga pangulo sa Edom; Sa matatapang sa Moab, ay panginginig ang sumasakanila: Lahat ng taga Canaan ay nauubos.
- Exo 15:16
Sindak at gulat ang suma-sakanila; Sa kadakilaan ng iyong bisig ay nagiging walang kibo sila na parang bato; Hanggang sa ang iyong bayan ay makaraan, Oh Panginoon, Hanggang sa makaraan ang bayang ito na iyong kinamtan.
- Exo 15:17
Sila’y iyong papapasukin, at sila’y iyong itatayo sa bundok na iyong pamana, Sa dako, Oh Panginoon, na iyong ginawa sa iyo, upang iyong tahanan, Sa santuario, Oh Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay.
- Exo 15:18
Ang Panginoon ay maghahari magpakailan man.
- Exo 15:19
Sapagka’t ang mga kabayo ni Faraon, ay nagsipasok pati ng kaniyang mga karro at pati ng kaniyang mga nangangabayo sa dagat, at pinapanumbalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila; datapuwa’t lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
- Exo 15:20
At si Miriam na propetisa na kapatid ni Aaron, ay tumangan ng isang pandereta sa kaniyang kamay; at sumunod ang lahat ng mga babae sa kaniya, na may mga pandereta at nagsayawan.
- Exo 15:21
At sila’y sinagot ni Miriam, Umawit kayo sa Panginoon, sapagka’t siya’y nagtagumpay ng kaluwaluwalhati; Ang kabayo at ang sakay niyaon ay ibinulusok niya sa dagat.
- Exo 15:22
At pinatnubayan ni Moises ang Israel mula sa Dagat na Mapula, at sila’y lumabas sa ilang ng Shur; at sila’y lumakad na tatlong araw sa ilang, at hindi nakasumpong ng tubig.
- Exo 15:23
At nang sila’y dumating sa Mara, ay hindi sila makainom ng tubig sa Mara, sapagka’t mapait: kaya’t ang pangalang itinawag ay Mara.
- Exo 15:24
At inupasala ng bayan si Moises, na sinasabi, Anong aming iinumin?
- Exo 15:25
At siya’y dumaing sa Panginoon; at pinapagkitaan siya ng Panginoon ng isang puno ng kahoy, at inihagis niya sa tubig, at ang tubig ay tumabang. Doon inatangan niya ng palatuntunan, at ng tagubilin at doon sila sinubok niya;
- Exo 15:26
At sinabi, Kung iyong didinggin ng buong sikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, at iyong gagawin ang matuwid sa kaniyang mga mata, at iyong didinggin ang kaniyang mga utos, at iyong gaganapin ang lahat niyang mga palatuntunan ay wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Egipcio: sapagka’t ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.
- Exo 15:27
At sila’y dumating sa Elim, na doo’y mayroong labingdalawang bukal ng tubig, at pitongpung puno ng palma; at sila’y humantong doon sa tabi ng mga tubig.
Exodo: ang 40 kabanata
Bawat kabanata ay may sariling pahina, na may buong teksto.
Ipagpatuloy ang pagbabasa
Ang Exodo 15 ay isa sa 40 kabanata ng Exodo, ang aklat 2 sa 66 ng Ang Biblia (1905). Maaari mong basahin nang sunud-sunod, kabanata bawat kabanata, o maghanap ng mga salita sa 66 aklat.